Bakasyon sa Palawan Habang May Online Class
Bakasyon sa Palawan Habang May Online Class
ni Ramiha Genevieve M. Vargas
May outing ba kayo ng pamilya niyo pero kailangan mong umabsent para makasama? Madedelikado ba ang iyong grades kung sasama ka? Huwag nang mag-alinlangan pa! Dahil mayroong paraan upang ika'y maging masaya kasama ang iyong pamilya habang hindi pinapabayaan ang iyong pag-aaral sa akademya.
Mga Kailangan:
1. Mobile Data o Portable Wi-Fi
- Dahil may klase ka online, kailangan mong makapag-online para maging updated sa mga nagaganap sa inyong klase.
2. Gadget
- Ito'y maaaring laptop o kaya nama'y phone. Ikaw bahala! Upang makapag-internet, kailangan mo ng device para magamit ito nang husto.
3. Tiyaga
- Bilang miyembro ng pamilya niyo at bilang isang mag-aaral, kinakailangang may tiyaga ka para maisakatuparan ang iyong mga responsibilidad sa dalawang papel na ginagampanan mo.
4. Paunang Abiso
- Dapat lang ay alam ng iyong guro na ika'y maglalakbay sa malayong lugar upang maintindihan niya ang sitwasyon mo. Dapat din ay alam ng iyong pamilya na ika'y mayroon pa ring responsibilidad bilang estudyante kahit na kayo'y nagbabakasyon upang masuportahan ka nila kung kinakailangan.
5. Pang-enjoy
- Siyempre, bakasyon. Kailangan mo ring masiyahan sa iyong paglalakbay kahit na ika'y mag-aaral. 'Wag na 'wag itong kakalimutan!
Kung handa ka na, punta na tayo sa una nating destinasyon!
Puerto Princesa
Mula sa airport, siguraduhing may susundo sa inyo upang maging madali ang inyong paglalakbay sa bakasyon ng buong pamilya. Buksan din agad ang iyong mobile data upang makibalita sa iyong mga kaklase at guro. Sa oras na ito, pinagagawan kami ng replektibong sanaysay ukol sa seminar na naganap.
Ang Puerto Princesa ang kapital ng Palawan, ang pinakamalaking probinsyang isla sa Pilipinas. Dito natin makikita ang isa sa New 7 Wonders of Nature ng UNESCO World Heritage Site, ang Subterranean River National Park. Pupuntahan dapat namin ito subalit hindi nagustuhan ng aming mga birthday mommies ang ideya kaya hindi na itinuloy.
Stoney Beach Resort
Bilang panunuluyan, dito kami sa Concepcion, Palawan nagpunta. At ang kanilang interior designing ay nakakamangha sa halip na mura ang bayad.
Ang kanilang dingding ay tinapalan nila ng banig at karamihan ng surfaces ng kanilang kuwarto ay may bato. Literal na stoney.
Maganda ang naging karanasan namin sa lugar na ito dahil una, ang babait ng mga empleyado at pangalawa, mayroon silang alagang mga aso na kay lalambing!
Malawak ang kanilang resort. Mayroong espasyo upang mag-bonfire, campfire, at maglaro sa labas maliban sa paglangoy.
Subalit, ang tabing dagat ay puno ng mga kahoy at kung anu-anong iniwan ng malakas na bagyong dumaan. Ngunit nakakakalma naman ang kapaligiran kung kaya't kahit na limitado ang mga aktibidad na isinagawa namin dito, tamang-tama lang naman dahil kami ay nakapagpahinga mula sa byahe at nasiyahan naman sa iba't ibang dekorasyon na mayroon sila dito.
Habang nagpapahinga ang lahat, ito na ang oras para asikasuhin ang iyong mga gawain sa paaralan. Sikaping makatulong sa mga pangkatang gawain kahit papaano at humingi ng pasensya kung sakaling maging late ang submission dahil sa mabagal na internet connection. Sa gabi nito ay tumutulong ako sa pagbuo ng aming pangkatang presentasyon sa asignaturang MAPEH.
Pangulatan Beach Resort
Medyo naligaw pa kami sa pagpunta rito dahil tagong-tago ang kanilang pwesto. Sabik na sabik na rin akong makatikim ng malakas na internet connection sa mga oras nito dahil mayroon akong pagsusulit sa isang asignatura at walang signal sa byahe.
Ang nakatutuwa sa aming pagpasok sa resort ay ang mga kubo na ginagamit ng mga bisitang isang gabi lamang tutuloy.
Mayroon pa silang libreng palamig na may lasang buko pandan. Nakare-refresh nga naman kung mainit ang naging byahe, 'no?
Ang resort na ito ay mayroong bar kung saan maaaring bumili ng mga pangkaraniwang pagkain, seafood, at iba't ibang inumin tulad ng juice, non-alcoholic, at alcoholic drinks. Tuwing gabi ay mayroon din silang bonfire session na pwede mong panoorin habang nakaupo sa isang duyan. Ang bar nila ay mayroon ding jazz o acoustic session kung saan maaari kang mag-request sa musikero ng isang partikular na kanta at pwede mong kuhanin ang mikropono upang umawit. Maaari rin namang hiramin mo ang gitara ng musikero upang ikaw mismo ang tumugtog.
Sa gabing ito, nais ko sanang makikantahan sa session nila. Ngunit dahil na rin sa hiya at gawain sa eskuwelahan, mas pinili ko na lamang makinig sa himig ng kanilang mga awitin habang sumasagot ng pagsusulit sa asignaturang Ingles.
Marami pang ibang maaaring gawin sa resort na ito dahil mayroon silang island hopping, snorkeling, at tours sa isla.
Nang mag-snorkeling kami, nakakakaba ito sa umpisa at nakatatakot. Subalit habang tumatagal ay mas pagtutuunan mo na ng pansin ang nakamamanghang tanawin, kasama na ang magagandang isda na makikita mo sa ilalim ng tubig.
Sa aming island hopping tour naman ay isa sa mga binisita namin ang 7 Commandos Beach sa El Nido. Ito ay tinawag na 7 Commandos dahil ito ang pangalan ng bangkang napadpad sa tabing-dagat na ito kung saan ang mga taong nakasakay ay dito nanuluyan bago gumawa ng paraan upang iligtas ang sarili nila.
Oh, pagod ka na sa dami ng ginawa niyo? Wala namang mali sa pagpapahinga. Tandaan, totoo namang mahalagang maging responsable tayo sa mga obligasyon natin subalit nararapat din na pahalagahan ang ating kalusugan. Kung pagod na, magpahinga kahit saglit lamang.
Lazuli Beach Resort
Ito na ang huling destinasyon! Masasarap ang pagkain, masarap ding lumangoy sa kanilang pool. Kaso beach nga, bakit sa pool ka lang lalangoy? Hindi na namin sinubukan kasi may bagyo noong oras na 'yon. Sapat naman na ang interior ng mga kwarto nila dahil napakakumportable dito at masarap lumangoy sa pool. Dito pa, sa lugar na ito, ako tuluyang natutuhang lumangoy kahit na ilang talampakan ang lalim nito.
Oh, pak. Nilalamig na 'yan si ate. May iniisip pang pangkatang gawain pero binisita pa rin ang tabing-dagat kahit ang lakas-lakas ng agos ng mga alon. Hindi talaga maiiwasang magbakasyon nang may iniisip na mga responsibilidad na hindi pa natutugunan.
Ngunit sa huli, nagawan ng paraan upang hindi mapag-iwanan sa klase. Kung posible ang gan'on, kaya mo rin. Kaya sa susunod na maipit ka sa sitwasyong kailangan mong sumama sa iyong pamilya papunta sa malayong lugar, 'wag nang magdalawang isip at piliin mo ang iyong pamilya. Magagawan naman ng paraan ang ibang mga bagay.
Dito na po nagtatapos ang blog na ito. Sana'y may natutuhan kang panibago!
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento