Paskong 'Di Para sa Lahat: Sa Gitna ng Malamig na Hangin


 Paskong 'Di Para sa Lahat: Naiwan Sa Gitna 
ng Malamig na Hangin ๐ŸŽ„๐Ÿƒ


    Kilala ang araw ng pasko bilang pagtitipon ng mga magkakapamilya't kaibigan. Maninigong salo-salo ng iba't ibang masasarap na pagkain, mga nagkakahalagang regalo, at pagdiriwang sa kapakanakan ng Panginoong Hesukristo. Ngunit, para sa iba, ang pasko ay araw rin kung saan may pintig ng kalungkutan sa puso sapagka't walang potaheng mailalagay sa hapagkain, walang tirahan, at naiwang nag-iisa sa kalsadang naghahangad na may magmahal at magpakain sa pumipiit niyang sikmura.

    Kagaya ng lahat, ang pamilya ko ay nagdiriwang nang maligalig noong nagdaang pasko bago pa man magsimulang maglakbay sa Our Lady of La Sallete Quasi-Church sa Munoz, San Jose Del Monte dito rin sa Bulacan sa parehas na araw. Nakagawian na namin ang ganitong tradisyon ng pagsasama-sama't at isa ito sa pinakainaabangan kong araw sa buong taon.

    Dumalo na kami ng misa, talagang damang-dama ko ang bawat aral na tinuturo sa loob ng simbahan at presensya ng panginoon sa aking tabi. Labis ang dasal para sa sarili't iba, lumuhod upang punuin ng kabutiha't pagmamahal ang aking puso, at umamin sa'king mga nagawang kasalanan na akin namang pinangako na ako'y magpapasakop sa kabutihan niya. Sa aking pagtanda, mas lalong lumalalim ang pananalig ko sa kanya.

    Matapos ang misa ay dumiretso muna kami sa isang restaurant sa Marilao, Bulacan, isang sikat na naghahain ng mga pagkaing hapon, Sushi Ebisu. Yukiniku Ramen lang naman at California Best Maki ang aking in-order, lasap na lasap bawat higop ng sabaw at sa savoury taste ng maki. Puntahan niyo rin 'to!

    Ilang saglit lamang, may isang asong-lansangan ang nagpatong ng kanyang nguso sa'king tuhod, kung saan ako'y nagulat dahil anong oras na ng gabi't malamig na para sa lansangan. Ang aksyon nito ay hudyat na ito'y nagmamakaawang siya'y pakainin. 

    Dito nalusaw ang aking puso at pumigil sa'king maging masaya sa araw ng pasko. Isang asong walang pamilya at nag-iisa sa gitna ng malamig na hangin at iniipit ang sikmura. Sa aking awa, aming ito'y binigyan ng sapat na pagkain upang magkalaman ang tiyan kahit na maubos pa ang aking sariling pagkain. Maamo ito at malambing, 'di mapagtantong sa kanya'y walang nag-aalaga sa ganda nito at kabutihang diwa ng asong ito.



    Hindi ko man siya mauwi, mabuti nalang at nabalitaan naming mayroon nang gustong mag-alaga sa kanya at ituring siya bilang isang tunay na pamilya. Labis ang tuwa sapagkat mahina ang puso ko pagdating sa mga ganitong sitwasyon.

    Napagtanto ko, na hindi lahat may masayang pasko, kaya dapat maging mapagpasalamat tayo sa kung anong mayroon tayo, maging pagkain o pamilyang nagmamahal sa'tin. Dahil may isang indibidwal na may lungkot sa kanyang mga mata na naghahangad na sana siya rin ay may ganoong panghahawakan na magpapainit sa kanyang nag-iiyak na damdamin.

    Nais ko ring magpangaral, na kung kaya nating makagawa nang mabuti, atin na itong gawin. Hindi satin ito magiging kawalan sapagkat alam naman nating ito ay biyaya at kabutihan ito sa mata ng nasa itaas. Nawa'y maging mabuti tayong ehemplo para sa iba, punuin ng Diyos ng kabutihan, saya, pagmamahal, at pag-asa ang ating puso. Tanggalin ang tukso para sa nagkakaisang mundo. 









Mga Komento

Kilalang Mga Post