Buksan ang Kamalayan sa Pinamalayan!
Buksan ang Kamalayan sa Pinamalayan
ni: Galvin Joero M. Tariman
Ang pambihirang lugar ng Pinamalayan na matatagpuan sa probinsya ng Oriental Mindoro ay isa sa mga lugar na matatagpuan sa rehiyon ng MIMAROPA na sagana sa mga produkto, kultura, at likas na yaman. Sa makulay nitong tradisyon at makapigil hiningang baybayin at dagat, ang lugar ng Pinamalayan ay isang sikat na lugar-pasyalan sa bansa. Sa pagtapak ng aking sariling mga paa sa lugar na ito, talaga namang masasabing sulit ang pagud at biyahe sa ganda at karanasang maibibigay ng payak ngunit kamangha-manghang lupaing ito. Kung ikaw ay nagmula sa labas ng MIMAROPA, ang tagong yaman na ito ay makikita lampas ng malawak na asul na karagatan. Matapos maksakay at maranasan ang pagsakay sa isang barko patungo sa Pinamalayan, isang panibagong mundo ang bumungad sa akin.
Mula sa mahabang biyahe ng barko patawid ng karagatan, ang biyahe ay nagpatuloy sa lupa papunta sa lokasyon na aming tutuluyan, ang barangay ng Paraiso. Ang paligid ay puno ng mga halaman, mga palayan, at malalaking puno kahit saan tumingin, ang bayang ito ay napaliligiran ng kalikasan. Malayo sa mausok at mataong lungsod, ang hangin at mga tanawin ay parehong tila nagbibigay lunas sa mga suliranin at problema ng isang manlalakbay.
Bagamat isang payak na lugar na hitik sa yaman ng kalikasan, ang bayan ng Pinamalayan ay isang maunlad na lugar, mula sa mga establisyimentong tatak ng lugar na ito hanggang sa mga kilalang kainan o restaurant. At sa palengkeng matatagpuan sa bayang ito, mga sariwang isda, pusit, at iba pang lamang dagat ang matatagpuan. Mahahanap din ang sumang pinagmalaki sa akin ng aking ina na dito lumaki, kasama nito ang matamis na latik na bagay sa maalat alat na lasa ng suman. Hindi ko matandaan kung ilang piraso ng suman ang nakain ko sa isang upuan sa hapagkainan, ang mabango at nakakaakit nitong amoy ay isa sa hindi ko makalilimutan. Hindi man ganon kalayo ang lasa nito sa mga sumang mabibili sa ibang mga lugar, ang lasa nito na bagay na bagay sa tinunanaw na latik ay naiiba para sa akin. Matapos kumain, masayang maglakad lakad sa mabuhanging kalsada sa umaga, malamig at sariwa ang simoy ng hangin. Mula naman sa tinutuluyan naming bahay ay dagat na lakad lang ang distansya at bukas para sa mga turistang nais lumanggoy at magpalamig. Katabi ng dagat ay makakapal na puno na magandang pahingahan matapos maglaro sa tubig.
Matapos makapaglaro sa dagat at makapagpahinga, pwedeng bumiyahe palibot ng Pinamalayan. Tulad na lamang ng sikat na landmark na rainbow pot sa gitna ng Western Nautical Highway. Meron itong makulay na tradisyong nakakabit Bahaghari Festival ng Pinamalayan. Sa pagpunta ko nga lang sa bayang ito, ang pagdiriwang ng pyesta ay hindi pa napapanahon. Sa halip ay nakakita ako ng makukulay na kadamitan na tinatawag pa lang Moriones, dahil natapat ang aming pagbisita sa Lenten Season kung saan taon taong ginaganap ang mga patimpalak at parada ng iba't ibang mga taong nakasuot ng Moriones. Bawat isa ay magarbo at kakaiba, iba't ibang mga kulay, laki, at desinyo.
Matapos ang isang mahabang paglalakbay, ang mga napulot na karanasan at nabuong alaala ay hindi na makalilimutan. Bisitahin at tangkilikin ang kultura at hatid na yaman dahil ang lahat ng kagandahang ito mula sa pagkain hanggang sa mga pagdiriwang ay dito lamang makikita sa Pinamalayan, Oriental Mindoro.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento