May Magagandang Tourist Spots sa Meycauayan!

  May Magagandang Tourist Spots sa Meycauayan!

ni: Aadrian Albert B. Regala

                Ang lungsod ng Meycauayan ay isa sa mga lugar na masasabi nating malapit sa kamaynilaan. Ngunit gayunman, sa unang tingin ay wala ka masyadong mapupuntahan sa lugar na ito dahil bubungad sa iyo pag ikaw ay nanggaling sa North Luzon Expressway ay mga bahay, paaralan, at napakaraming pabrika. Lingid sa kaalaman ng iba na mayroong nakakabighaning tourist spots sa loob ng lungsod na ito. Bukod sa masarap kumuha ng litrato sa mga ito ay mayroon pang ambag sa kasaysayan. Tara, samahan mo kong lakbayin ang mga pamanang kultural ng lungsod ng Meycauayan.

Una nating puntahan ang simbahan ng Sitio Toril sa Bahay Pare. Kadalasang mga madalas puntahang lugar sa lungsod ng Meycauayan ay mga simbahan dahil nakagawiang ng mga Pilipino na Visita Iglesia o pagpunta sa pitong iba’t ibang simbahan tuwing semana santa. Kaunting impormasyon tungkol sa Sitio Toril ay ito daw ang unang simbahan na nagawa sa lungsod ng Meycauayan. Yari pa ito noon sa nipa at nagmimistulang isang kubo. Tinawag na Bahay Pare ang lugar na ito dahil, di umano, dito nanirahan ang mga pare noon. Sa Sitio Toril din matatagpuan ang Krus ng Toril, isa sa mga sinaunang krus sa lungsod na ito. At kapag lumapit ka sa Krus ng Toril, maamoy mo yung amoy ng lumang kahoy at makikita mo na totoong matanda na nga ang Krus na ito.

            Nakapunta na tayo sa Bahay Pare, ngayon naman pumunta naman tayo sa Pajo kung saan nandito ang soon to be Eco-Park ng Lungsod ng Meycauayan. Nagkaroon kami ng isang maagang at exclusive na tour dito dahil sa city tour ng Boy/Girl Officials kaya noong pumunta kami dito ay hindi pa buo ang mga atraksyon dito, ngunit kung gusto mo makakita ng one-of-a-kind farm tiyak na masisiyahan ka! Dahil sa pinakaharap pa lamang ng parke na ito ay may isang Mushroom Farm kung saan may iba’t ibang uri ng kabute ang inaalagaan at pinapayabong. At habang papasok ka pa lamang sa mismong sentro ng parke na ito ay nanaiisin mong tumigil-tigil para mag selfie-break! Marami nang nakahandang mga posibleng maging atraksyon dito tulad ng man-made pond, zipline, at aviary. Kahit hindi pa tapos ang parke na ito ay napakasayang kumuha ng mga litrato mo lalo na’t maramramdaman mo na ikaw ay konektado sa kapaligiran. Ngunit gaya nga ng sinabi ko, hindi pa siya bukas sa lahat at tinatapos pa ang ibang atraksyon dito. Pero, sana nakapukaw ito ng iyong interes sa lungsod na ito.

        Dumako naman tayo sa Malhacan, isa na namang simbahan ang ating pupuntahan. Ito ang San Isidro-San Roque Parish. Ang simbahan na ito ay karaniwang tinatawag na Simbahang Bilog dahil sa hugis nito na pabilog. Makikita mo sa simbahan na ito yung arkitektura ng mga simbahan na masasabi nating luma ngunit sinamahan na ng mga modernisadong mga elemento. Kaunting kasaysayan nito ay may isa pang malapit na simbahan dito, ang tinawag na Simbaha ng lagolo Simbahang Bato, ang simabahan na ito ang pangalawang simbahan sa Lungsod ng Meycauayan, ang simbahan na ito ang nagging sentro ng simbahan sa lugar. Ngunit habang tumagal nabuo ang Simbahang Bilog at dahil sa katandaan ng Simbahang Bato, ay nilipat na sa Simbahang Bilog ang mga poon dito.

        Pagod ka na ba? Hindi pwede kasi ngayon naman dadalhin kita sa Barangay ng Langka, kung saan nakatayo ang monumento ng Labanan sa Langka! Dito sa monumento na ito ipinapaalala sa mga mamamayan ng Meycauayan ang naganap na labanan ng mga Pilipino at ng mga Espanyol Dito sa barangay na ito naganap ang pakikipaglaban ni Ciriaco Contreras ang bayani ng Lungsod ng Meycauayan o mas kilala sa bansag na Ang Bayaning Limot, laban sa mga dayuhan. Sa monumentong ito, bukod sa pagiging isang makasaysayang imahe, nakasaad din ang mga ngalan ng yumao at lumaban sa laban na ito.

            

            At ang panghuli, ang St Francis of Assisi Parish Church ang ating destinasyon. Ang simbahan na ito ang tinaguriang Area Zero ng Lungsod ng Meycauayan, dahil ito ang nagsisilbing landmark ng buong lungsod sa mapa ng Pilipinas. Ang simbahang ito, ang sunod na ginawa pagkatapos ng Simbaha ng LagoloDito bininyagan ang tinaguriang bayani ng lungsod na si Ciriaco Contreras. Sinasabi na kung gusto mo magpakasal at gusto mong maramdaman ng buong buo ang seremonya ng pagpapakasal ay dito mo ito gawin! Dahil sa haba ng paglalakaran mo ay mapupuno nito ang iyong damdamin ng kasiyahan! Pagpasok mo dito ay makikita mo ang pagka-antique­ ng itsura nito. Makikita rin sa isang bahagi nito ang mga lumang kagamitan na pinepreserba ng simbahan na ito.

            At diyan nagtatapos ang pag-iikot natin sa Lungsod ng Meycauayan. Sana’y napukaw nito ang iyong interes at damdamin lalo na’t kung ikaw ay mahilig sa mga lugar na may ambag sa kasaysayan. Tiyak na hindi lamang puro pabrika at mga imprastraktura ang lamang ng Lungsod ng Meycauayan, mayroon din itong mga lugar na Magandang puntahan. Tunay na may magagandang tourist spots sa Meycauayan!








Mga Komento

  1. Grabeeeeee. Dami ko natutuhan tungkol sa Meyca. Salamat dito Aadrian :)

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post