Ligayang Hatid ng Bawat Hampas ng Alon sa Isla ng Zambales

   Ligayang Hatid ng Bawat Hampas ng Alon sa
Isla ng Zambales

ni: Tabitha M. Alfonso

    Ang lalawigan ng Zambales ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Gitnang Luzon ng bansang Pilipinas. Ito ay tinaguriang may pinakamasarap na mangga sa buong mundo, ngunit sa isang banda, ito rin ay kilala dahil sa tinatago nitong angking ganda ng malakristal na tubig sa malawak na karagatan. Ngayon samahan niyo akong magbalik tanaw at muling pagmasdan ang natatanging ganda ng Zambales.

    Mahigit apat na oras ang aming naging byahe patungo sa bayan ng San Antonio sa Zambales. Sa ganap na ika-10 ng umaga, aming nasaksihan ang Pundaquit Beach kung saan nakakabighani ang ganda nito. Sa kabila ng malakas na hampas ng alon, unang tapak ko palang sa pinong buhangin nito ay nais ko nang magpa takbo-takbo dito. Ayon sa kwento ng mga taong naninirahan doon, ang buhangin dito ay mula sa abo ng bulkan kaya kapag ito ay nasisinagan ng araw ay tila kumikinang ito.

    Makalipas ang isang oras na pagpapahinga ay napagdesisyunan nang bisitahin namin ang Capones Island para mag Island Hopping. Mahigit isang oras ang aming naging byahe upang makarating sa Capones Island, hindi namin alintana ang init ng panahon dahil sa masarap na simoy ng hangin at lamig ng bawat pag tilamsik ng tubig sa karagatan. Malayo pa lang ay kita na ang maka agaw pansin na naglalakihang rock formation na tila isang malaking buto. Hindi pa man nakakababa ng bangka ay nais ko nang tumalon dahil gusto ko nang makatapak sa kulay puti at pino nitong buhangin.

 


    Dahil sa taas ng sikat ng araw ay naging mabilis lang ang aming naging pagbisita dito upang makarating na sa susunod naming destinasyon. Tunay na napakaganda at payapa ng islang ito, kaya hindi kataka-takang maraming turistang kasabay namin na dumayo rito.



    Halos isang oras din ang aming ginugol upang makapunta sa Anawangin Cove. Dito namin ginugol ang aming natitirang oras sa araw na iyon upang kumain, magkwentuhan at lumangoy nang lumangoy sa malamig ngunit malakristal nitong tubig sa ilalim ng sikat ng araw.


    Walang sawang tawanan ang nangyari dahil paulit ulit na nakikipaghabulan kami ng aking kapatid sa malakas na alon ng karagatan. Maka ilang beses man kaming muntik malunod ay masarap sa pakiramdam na maranasan muli maging bata na tila nakikipaglaban at nakikipaglaro sa tubig ng dagat. 



    Sa huling araw namin sa Pundaquit Beach, naglibot-libot lang kami upang humanap ng pampasalubong, at tuwang-tuwa ang aming Nanay nang bumili siya ng magkaternong t-shirt para sa kanila ni Tatay.



    Naging mabilis man ang aming naging pagbisita sa sa lalawigang ito, nag-iwan naman ito ng maganda at masayang karanasan na aking laging iniisip na siyang nagpapaalala sa akin, na gaano man kasakit sa mata ang sikat ng araw, at kabagsik ang alon ng karagatan, may nabibigay pa rin itong masasayang ala-ala na baon ko hanggang sa susunod naming pagbisita sa iba pang natatanging isla dito sa Pilipinas. Kaya ano pang hinihintay niyo, tara na't bisitahin at tuklasin ang natatagong ganda ng mga isla sa Zambales!



Mga Komento

Kilalang Mga Post